Wednesday, March 16, 2011

Ang Aking Mga Mahal na Kababayan

Sunday, September 03, 2006

Isang Pag-alaala kay Tatong Balugbog

Ang bahay-pahina ('website') na ito ay isang payak na parangal-alay at pag-alaala ko sa kaibigang si Fortunato Cruz. Kilala sya sa aming bayan sa pangalang "Tatong Balugbog".

Noong sya ay nabubuhay pa ang pahayagang ito "Ang Tanod Bayan" ang taga-puna at tumutuligsa sa mga tiwaling-gawain ng mga opisyal ng aming bayan na sya mismo ang patnugot at may-ari nito.

Isa ako sa kanyang taga-suporta at tagahanga sapagka't nakita ko ang kanyang tamang adhikain, alituntunin at malawak na pananaw sa buhay.

Sya ay bihasa sa wikang tagalog. Ang "Prinsesa Zenaida" ay isa lamang sa kanyang mga nobela. Sya ay magaling magpatawa at di ka maiinip na kausapin, mabilis at malikot ang pag-iisip nya kaya't mapapatawa ka nya agad at higit sa lahat malaman ang kanyang pananalita.

Mahilig din sya sa musika at nakakalikha rin sya ng mga magagandang tula, himig at awitin na lubhang maka-Pilipino. Sya ang naglagay ng titik ng Himno Opisyal ng Sta. Maria "Sta. Maria, Ang Bayan Kong Mahal" musika ni Dean Alfredo Buenaventura na isinaayos naman ng inyong lingkod para sa malakihang koro ng Sta. Maria Mixed Grand Choir ( kasama ang LPCC (La Purisima Concepcion Choir at Your Son & Daughters na binubuo ng mga higit-kumulang sa isan-daang kabataan ng Sta. Maria).

Unang inawit sa ika-200 taong kapistahan ng pagkatatag ng bayang Sta. Maria noong 1992. Ito ay sa pamumuno ni Arcadio Mendoza. At ito ay naganap bago ako tuluyang manirahan dito sa Amerika.

Kaya't bilang pagbibigay pugay at pag-alaala sa kanyang kakaibang karunungang ipamahagi sa aming mga kababayang Sta. Maria, ang munting pahina ito ng makabagong panahon ay buong puso kong inaalay sa kanya.

Sa kababata kong si "Tatong Balugbog" para sa iyo ito! Kung nalimot ka man nila at kung di man lang sumasagi sa isip nila ang ngalan mo, buhay na buhay ka pa rin sa mga alaala ko!

Salamat sa paglalahad ng mga katotohanan at higit sa lahat ang pagbibigay ng kamalayang panlipunan sa 'yong mga kababayang taga Santa Maria, katangi-tangi ka kaibigan!